-- Advertisements --

Binigyang-diin ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) Director Cielito Habito ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na roadmap ang pamahalaan upang maipakita ang tunay na potensyal ng yamang-dagat ng Pilipinas at maisulong ang “blue economy.”

Sa isang panayam habang ginaganap ang Philippine Blue Economy Roundtable, binigyang-diin ni Habito na ang pagkakaroon ng malinaw na roadmap ay mahalaga upang tayo ay maging globally competitive at kayang makipagsabayan sa mga karatig bansa sa Southeast Asia, partikular na sa apat na orihinal na kasaping bansa ng ASEAN na kasabayan ng Pilipinas, ito ay ang Indonesia, Malaysia, Singapore, at Thailand.

Ayon kay Habito, bagama’t nabanggit na ang blue economy sa Philippine Development Plan, wala pa raw itong konkretong plano upang ito lubos ay na mapakinabangan. Saklaw ng blue economy ang mga sektor tulad ng pangingisda, transportasyong pandagat, turismo sa baybayin, at pangangalaga sa biodiversity ng karagatan.

Nagbigay rin babala ang dating NEDA chief na maaaring mauwi sa labis na pagsasamantala ang ating mga likas na yaman kung walang pangmatagalang estratehiya at wastong pamamahala.

Bukod sa nakabinbing Blue Economy Act sa Kongreso, tinalakay sa nasabing roundtable discussion ang ilan pa sa mga panukalang batas na may kaugnayan sa blue economy. Kabilang dito ang panukala tulad ng pagtatag ng isang Center for West Philippine Sea Studies at ang National WPS Day para palakasin pa ang ating presensya sa West Philippine Sea at mapangalagaan ang ating mga yamang dagat.

Sa panghuli, nanawagan si Habito na agarang pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at lokal na pamahalaan upang matiyak ang tagumpay ng blue economy bilang haligi ng pambansang kaunlaran.