Tiniyak ni bagong PhilHealth President/CEO Dante Gierran na lilinisin ang kanilang kontrobersyal na tanggapan laban sa mga isyu ng korapsyon.
Ito umano ang pangunahing utos ni Pangulong Rodrigo Duterte nang italaga siya sa nasabing government corporation.
Sinabi ni Gierran sa panayam ng Bombo Radyo na malawakang pagtanggal ang mangyayari kung may makikita silang sapat na rason para gawin ito, lalo na sa regional offices.
Inamin din nitong isa sa kaniyang agad na pinaghandaan nang mabanggit ng Pangulo ang kaniyang appointment ay ang pagbuwag sa umiiral na PhilHealth mafia.
Gayunman, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na mahirap gawin ang biglaang pagtanggal sa mga opisyal at tauhan ng PhilHealth dahil baka may malabag na Civil Service Law at madamay ang matitino sa nasabing government corporation.
Kaya bagama’t pabor daw siyang linisin ang nasabing tanggapan, dapat maging naaayon sa batas ang mga gagawing hakbang.
“Removing all the regional vice presidents of PhilHealth may be easier ordered than implemented, considering that a number of them are protected by the civil service law. This is not to mention that it is unjust and unfair to those who are not involved in shenanigans in PhilHealth,” wika ni Lacson.
Para naman kay Senate President Tito Sotto, “good choice” ang pagkakapili ni Pangulong Duterte kay Gierran, dahil maliban sa pagiging abogado ay isa rin itong certified public accountant (CPA).