Naglunsad ang Russia ng 614 air attack munitions laban sa Ukraine mula gabi ng Miyerkules hanggang Huwebes, Agosto 21, ayon sa ulat ng Air Force ng Kyiv.
Kung saan 574 drone at 40 missiles ang pinakawalan ng Russia na nagdulot ng pinsala sa 11 lugar sa bansa, kabilang ang Mukachevo sa kanlurang bahagi ng Ukraine.
Ayon kay Ukrainian Foreign Minister Andrii Sybiha, kabilang sa mga tinamaan ang isang malaking American electronics manufacturer sa Mukachevo, na nagdulot ng malalang pinsala at pagkasugat ng hindi bababa sa 19 katao.
Sinabi ni Sybiha na ang site ay puro sibilyan lamang ang nakatira, at walang kinalaman sa militar ng Ukraine.
“They produced such familiar household items as coffee machines. And this is also a target for the Russians,” sabi ni Sybiha.
Samantala nanawagan naman si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ng mas matinding mga sanctions laban sa Russia.
Sa kabilang banda sa lugar sa Lviv, isang tao naman ang nasawi at tatlo ang sugatan dahil sa mga pambobomba. Ayon sa ulat ng Air Force ng Ukraine, ang pag-atake noong Miyerkules ay ang pinakamalala mula pa noong Hulyo 12.
Tugon naman ng mga awtoridad sa Voronezh at Rostov, na nagkaroon din ng pinsala ang ilang mga pasilidad sa Russia dahil sa ginawang pag-atake ng Ukraine.