-- Advertisements --

Wala pang nakikitang banta ang Malacañang ng “energy lockdown” o kakulangan sa suplay ng kuryente at langis sa bansa sa kabila ng tumitinding labanan sa Middle East.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na sa kasalukuyan ay malayo pa ang bansa sa sitwasyong gaya noong dekada ’70 na nagkaroon ng fuel rationing at carless days.

Ayon sa Palace Official, bilang bahagi ng contingency plan ng administrasyong Marcos, aktibong naghahanap ang Department of Energy (DOE) at Department of Foreign Affairs (DFA) ng mga alternatibong mapagkukunan ng petrolyo na hindi umaasa sa Middle East.

Binanggit ni Castro ang ulat ni DOE Undersecretary Sharon Garin na kasalukuyan nang nakikipag-diyalogo ang Pilipinas sa mga bansang India, Argentina, at Canada upang masiguro ang tuloy-tuloy na imbentaryo ng langis sa bansa.

Dagdag pa ni Castro, habang umaasa ang pamahalaan sa isang diplomatikong resolusyon sa pagitan ng mga naglalabanang bansa, hindi tumitigil ang Pangulo sa paghahanda upang maiwasan ang anumang worst-case scenario na magpapahirap sa mga Pilipino.