Tiniyak ng Malacañang na handa ang pamahalaan sa anumang tangkang patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa gitna ng mga kumakalat na ulat tungkol sa umano’y planong kudeta o destabilization efforts laban sa administrasyon.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nakahanda ang gobyerno na harapin ang anumang hakbang na maglalayong guluhin ang kaayusan at seguridad ng bansa.
Siniguro ng Malacañang na nakahanda ang mga kinauukulang ahensya upang tiyakin ang katatagan ng pamahalaan at walang dahilan para mabahala ang publiko.
Nanawagan din ang opisyal sa taumbayan na huwag magpalinlang sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon at i-verify muna ang mga balita bago maniwala o magbahagi ng mga ito sa social media.
Ang pahayag ni Castro ay tugon sa mga lumalabas na ispekulasyon na maaaring maulit sa Pilipinas ang sitwasyong naganap sa Myanmar, kung saan nagkaroon ng kudeta laban sa gobyerno.
Giit ng Palasyo, matatag ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. at nananatiling nakatuon ito sa pagpapatuloy ng mga programa para sa kapayapaan, kaunlaran, at katatagan ng bansa.
















