Nagbigay ng tugon ang Malacañang sa panawagan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ay protektahan kaugnay ng nakaambang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, lahat ng humihingi ng proteksyon mula sa gobyerno ay bibigyan ng tulong na naaayon sa batas, kabilang na ang mga akusado gaya ng senador.
Sinabi ni Castro na maging ang mga biktima ng extrajudicial killings o EJK ay humihingi rin ng proteksyon mula sa pamahalaan, at karapatan ng bawat mamamayan na mabigyan ng sapat na proteksyon at due process sa ilalim ng batas.
Tiniyak din ng Palasyo na kung sakaling maaresto si Dela Rosa, maibibigay sa kanya ang lahat ng karapatan bilang isang akusado.
Nilinaw rin ni Castro na hindi manghihimasok si Pangulong Marcos sa anumang usapin na nasa hurisdiksyon ng Senado, dahil nasa kapangyarihan at awtoridad ng Senado ang pagdedesisyon sa mga bagay na may kaugnayan dito.
















