-- Advertisements --

Tatlong taon nang naghahanda ang pamahalaan para sa posibleng krisis sa Taiwan Strait sa pamamagitan ng pagbuo ng mga contingency manual at mga plano sa transportasyon para sa halos 200,000 Pilipino na maaaring maapektuhan ng sigalot.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, bahagi ito ng whole-of-government preparations na direktang iniatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagama’t hindi muna isinapubliko ang buong detalye dahil sa mga usapin ng seguridad at confidentiality.

Upang masiguro ang sapat na pondo para sa agarang repatriation sakaling sumiklab ang krisis, hiniling ng DMW sa Kongreso na itaas sa P3 bilyon ang kanilang Action Fund mula sa P2 bilyong nakalaan sa panukalang 2027 budget.

Tiniyak ni Cacdac na magiging mabilis ang pagtugon ng gobyerno dahil nakahanda na ang mga crisis manual at natukoy na ang mga kinakailangang kagamitan at pasilidad.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng DMW sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang kaayusan ng contingency planning sa rehiyon.