Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang staged drama lamang ang pag-aresto sa kaniyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay ng kontrobersyal na P7.4-bilyong plunder case.
Ayon kay Marcos, ang mga nagsasabing drama lamang ang nangyaring pag-aresto ay bahagi lamang ng mga pulitikal na pag-atake laban sa kaniyang administrasyon at hindi naglalarawan sa aktuwal na prosesong umiiral sa korte.
Naaresto si Romualdez matapos maglabas ng opisyal na warrant of arrest ang Sandiganbayan batay sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman.
Kasalukuyan itong nananatili sa Philippine General Hospital para sa mga independent medical examination matapos ilipat mula sa Cardinal Santos Medical Center.
Samantala, binigyang-diin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kailanman ay hindi nakialam ang Pangulo sa naging pag-aresto sa dating lider ng Kamara.
Inamin naman ng kalihim na masakit para sa Pangulo ang kaganapan dahil sa pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa, ngunit ipinaliwanag nitong bahagi ito ng kailangang tuparing tungkulin ng gobyerno at ng pagpapatupad ng batas.
















