Umani ng standing ovation ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA kaugnay ng isyu ng system’s loss na ipinapasa ng mga power companies sa mga konsyumer.
Binatikos ng Pangulo ang patuloy na pagsingil ng system’s loss sa mga mamamayan, na aniya’y hindi naman kasalanan ng mga gumagamit ng kuryente.
Ayon kay PBBM, panahon na upang tanggalin ang dagdag bayaring ito na matagal nang pinapasan ng publiko.
Ipinunto rin niya na ikinakarga ang system’s loss sa bill at pinapatungan pa ng value added tax, bagay na lalong nagpapabigat sa gastusin ng mga konsyumer.
Dahil dito, nanawagan ang Pangulo na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA Law) of 2001, kung saan nakasaad ang naturang bayarin.
Ang kanyang panawagan ay sinalubong ng masigabong palakpakan at pagtayo ng mga dumalo sa SONA bilang tanda ng pagsuporta.
Itinuturing itong isa sa mga pinakamalakas na bahagi ng talumpati ng Pangulo na direktang tumutugon sa hinaing ng mga power consumers.















