Ipinag-utos na ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan sa Batangas, Laguna at Cavite na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal, ang pagsasagawa ng make-up classes sa araw ng Sabado at Linggo.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, balik-eskwela na ang mga estudyante simula sa Pebrero 3.

-- Advertisement --

Batay sa proposed modified school calendar ng DepEd para sa taong 2020, magkakaroon ng make-up classes ang elementary hanggang senior high school tuwing araw ng Sabado simula sa Pebrero hanggang sa buwan ng Marso.

Sa Abril 1 hanggang 6 naman isasagawa ang school year-end preparations, graduation recognition at moving-up.

Ang mga eskwelahan sa division sa Batangas; Batangas City; Lipa City; Tanauan; Cavite; General Trias City; Laguna; at San Pablo City ang kasama sa mga inatasang magsagawa ng make-up classes.

Tinatayang aabot sa 645,000 na estudyante ang naapektuhan ang pagpasok sa eskwela dahil sa pagputok ng Bulkang Taal.