Napanatili ng Makati City sa ikatlong sunod na taon ang pagiging richest local government unit (LGU) sa buong bansa.
May total asset umano ang syudad na aabot sa P233.78 billion noong 2019, base sa record ng Commission on Audit (COA).

Lumalabas na lumago ang asset ng Makati ng P2.95 billion sa nasabing taon, mula sa dating P230.833 billion noong 2018.

Nag-iisa naman ang lungsod sa record na lagpas sa P200 billion ang assets.

Pangunahing pinagmulan ng pagtaas nito ang magandang tax collection mula P17.81 billion noong 2018, patungo sa P18.43 billion noong 2019.

Nakalikom ang lokal na gobyerno ng P31.362 million revenue mula pa lang sa local clearances.

Samantala, nasa pangalawang puwesto naman ang Quezon City na may total assets na P96.423 billion.
Pangatlo naman ang Maynila na may P64.805 billion; pang-apat ang Pasig City na may P45.639 billion; pang lima ang Cebu City na may P34.711 billion; pang anim ang Mandaue City na may P32.157 billion; pang pito ang Taguig City na may P29.065 billion; pang walo ang Caloocan na may P20.599 billion; pang siyam ang Pasay City na may P19.795 billion; at pang 10 ang Davao City na may P19.783 billion.

Sa hanay naman ng pinakamayamang mga bayan, nangunguna ang Cainta, Rizal (P4.933 billion), Limay, Bataan (P4.065 billion), Silang, Cavite (P3.842 billion), Mariveles, Bataan (P3.076 billion), Sual, Pangasinan (P2.989 billion), Caluya, Antique (P2.904 billion), Binangonan, Rizal (P2.336 billion), Tanay, Rizal (P2.209 billion), Calaca, Batangas (P2.12 billion) at Carmona, Cavite (P2.075 billion).

Habang sa pinakamaunlad na probinsya ay una ang Cebu (P203.9 billion), sinusundan ng Batangas (P20.793 billion), Rizal (P20.275 billion), Davao de Oro (P20.099 billion), Bukidnon (P18.294 billion), Surigao del Norte (P16.684 billion), Negros Occidental (P15.901 billion), Leyte (P13.54 billion), Palawan (P13.036 billion) at Iloilo (P13.034 billion).