Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac na nasa maayos na kalagayan ang 31 Pinoy na hindi nakabiyahe dahil sa tuluyang pagsasara ng pamahalaan ng Qatar sa airspace nito.
Ayon kay Sec. Cacdac, nakatakda sanang umuwi sa Pilipinas ang mga ito, gamit ang Doha Hamad International Airport.
Gayonpaman, dahil sa biglaang pagsara sa Qatari airspace ay hindi na pinayagang makalipad ang sasakyang commercial plane at pinanatili ang mga Pinoy sa loob ng terminal para sa kanilang kaligtasan.
Ang grupo ng mga Pilipino ay binubuo ng OFW kung saan karamihan sa kanila ay mula sa Israel – 26. Tatlo mula sa grupo ay nagmula sa Jordan, habang tig-isa mula sa Qatar at Palestine na pawang mga bansang naiipit sa kaguluhan sa Middle East.
Sa kasalukuyan, wala pang impormasyon kung kailan matutuloy ang uwi ng mga Pinoy, ngunit siniguro ng kalihim na nasa maayos ang kanilang kalagayan habang hinihintay ang tuluyan nilang pagbiyahe.
Maalalang isinara ng Qatari government ang himpapawid nito matapos maglabas ng abiso ang Iran na pasasabuhin nito ang Al Udeid Air Base, isang US military base sa Qatar. Pinalipad ng Iran ang ilang mga short-range at medium range ballistic missiles sa naturang pasilidad.