Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy silang maninindigan at tutupad sa kanilang mandato na maprotektahan ang mga interes ng Pililinas at maski ang soberaniya nito.
Ito ay sa kabila ng naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na masyado na umanong pinapaburan ng pamahalaan ang isang makapangyarihang bansa na magpasok ng mga armas gaya ng pagdedeploy ng missile sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, tinugunan ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang mga pahayag na ito ng Bise Presidente at sinabi na ibinibigay at iniiwan na nila ang lahat ng polisiya sa mga tamang tanggapan ng pamahalaan hinggil sa pagdedeploy ng missile sa Pilipinas.
Kaugnay naman sa mga nagiging developments sa lumalalang sigalot sa Middle East, tiniyak rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahanda ang kanilang contingencies kung sakali man na madawit ang Pilipinas sa kung ano man ang kasalukuyang sitwasyon ngayon sa Iran at Israel.
Ayaw din munang magkaroon ng AFP ng mga espekulasyon at pangunahan ang mga maaaring mangyari sa pagpapatuloy ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kabila nito pinakaprayoridad ng AFP ang kanilang pagaabot ng tulong sa repatriation ng mga Pilipinong naiipit pa sa giyera at tiyaking ligtas silang makakabalik sa bansa.
Samantala, nakahanda na rin aniya ang lahat ng kanilang assets para magsilbing assistance at tulong sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa Iran at Israel.
Makasisiguro rin aniya ang publiko na patuloy nilang gagampanan ang kanilang serbisyo sa bansa na protektahan at panatilihing ligtas ang bansa at ang mga pambansang interes nito.