-- Advertisements --

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng Social Security System (SSS) ng mahigit 140,000 tissue papers na nagkakahalaga ng P13.195 million noong nakalipas na taon.

Base sa annual audit report ng COA, ang bilang ng tissue paper rolls na binili ay lagpas pa sa dalawang buwang halaga ng suplay na kailangan ng naturang state-run insurance program at hindi na magkasya pa sa imbakan ng SSS, kung saan nasa 116,046 issue paper rolls ang nananatili sa kustodiya ng supplier nang walang kasunduan dahil sa kawalan ng polisiya sa pagbili ng supplies at equipment.

Natuklasan din, base sa pagbubunyag ng supplier na verbal lamang ang naging agreement nito sa SSS at walang anumang support document o formal memorandum of understanding.

Napag-alaman din ng audit body na hindi naplano ng maigi ang pagbili ng daan-daang libong tissue papers, kung saan ang halagang ginamit sa pagbili ay napakinabangan pa sana ng 2,000 pensioners ng SSS o nagamit para sa funeral benefits ng 650 pumanaw na miyembro.

Sa parehong annual audit report, napuna rin ng COA ang halos P3 milyong underpayment na SSS funeral benefits. Bunsod nito, sinabi ng COA na maaaring makaapekto ito sa mga pribilehiyong dapat matanggap ng mga nabubuhay pang legal spouses ng mga pumanaw na miyembro ng SSS.

Natuklasan din ng COA na may ilang namatay ng pensioners ang nakakatanggap pa rin ng kanilang pension mula sa SSS na nagreresulta sa “overpayment” na P24.811 million.

Ayon pa sa state auditors, nagbibigay ang SSS ng cash incentives ng hanggang P50,000 bawat isa sa mahigit 6,000 opisyal at empleyado sa pamamagitan ng Prestige Award.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng COA sa SSS na magsumite ng evaluation report kung paano natutukoy ang cash incentives, dahil kung hindi, dapat isauli ng SSS ang lahat ng “unsubstantiated” cash incentives.