Muling nakakumpiska ang Bureau of Customs (BOC) ng mahigit P100 million halaga ng smuggled cigarettes sa Port of Subic.
Sa inilabas na statement, inihayag ng BOC na na-intercept ng mga operatibe nila sa Subic port ang 4×40’ containers ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P121 million.
Ayon sa Customs, ang mga 4×40’ containers ay dumating sa Port of Subic noong Agosto 22 mula China at Hong Kong kugn saan idineklara itong naglalaman ng frozen cinnamon bread, frozen pineapple pocket bread, snake and ladder board games, dominos board games at rubber strips pero natuklasang naglalaman ng iba’t ibang cigarette brands.
Inihayag ni District Collector Maritess Martin, ang naturang pagkakakumpiska ng mga puslit na sigarilyo ay resulta ng kanilang intelligence at investigative work.
Ipinagmalaki rin ng BOC na ang Port of Subic ay nakakolekta na ng taripang P2,395,500,885 mula Agosto 1 hanggang 27 kung saan nalagpasan na nito ang P344 million assigned target na P2,051,000,000 para sa kabuuang buwan ng Agosto.