-- Advertisements --

Umabot na sa halos 63,000 illegal gambling websites ang na-take down ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Telecommunications Commission (NTC).

Sa kabuuang bilang, halos 9,000 ang mga karaniwang illegal gambling sites, habang higit sa 54,000 ang illegal online sabong websites na na-take down mula nang ipagbawal ito ng kasalukuyang administrasyon.

Kaugnay nito, inilunsad ng Digital Pinoys ang isang plataporma kung saan maaaring mag-ulat ang publiko ng mga illegal gambling websites at kaugnay na aktibidad.

Bukas na ang digitalpinoys.org/notoillegalgambling para sa mga gustong magsumbong ng mga illegal online gambling sites, advertisement, o mga personalidad na nagpo-promote ng naturang aktibidad.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, kay Ronald Gustilo, convenor ng grupo, sinabi nito na mahalaga ang partisipasyon ng publiko upang mapigil ang patuloy na pagkalat ng illegal online gambling sa bansa.

Tiniyak ng grupo na mananatiling anonymous ang lahat ng sumbong at agad itong iaaksyun ng mga kinauukulan.

Samantala, ibinunyag nito na sa monitoring ng mga ahensya, 20 verified social media pages ang na-detect na nag-eendorso ng illegal gambling—apat dito ay na-take down na.

Bukod pa rito, iniimbestigahan ang 29 social media influencers na posibleng sangkot sa promosyon ng mga ilegal na gambling platform.

Patuloy namang nanawagan ang grupo sa publiko na makiisa sa kampanya laban sa illegal online gambling sa pamamagitan ng aktibong pag-uulat sa kanilang plataporma.

“Yung sa website, almost 9,000 websites na ang na take down ng DICT sa pakikipagtulungan sa CICC at NTC. Pero maliban dyan, mayroong mahigit 54,000 illegal online sabong websites ang na take down na rin mula noong ipinagbawal ito ng administrasyon. Sa social media pages, mayroong ini-endorso na 20 na verified pages na nag-eendorso ng illegal na online gambling sites at 4 dito ay na take down na. Mayroon pang sumunod na endorsement na 29 social media influencers na vine-verify sa kasalukuyan ng CICC,” saad ni Gustilo.