Ipinatupad ng Police Regional Office-7 ang gun ban at temporaryong suspensyon ng permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa Central Visayas bilang bahagi ng seguridad para sa Sinulog Festival at 2026 ASEAN Summit.
Nagsimula ang suspensyon ng permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) noong Enero 8, hanggang Enero 20, sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, Lapu-Lapu, Talisay, at mga bayan ng Cordova at Consolacion.
Para sa ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong, ipinatupad ang suspensyon sa buong rehiyon mula kahapon, Enero 15, sa 12:01 ng madaling araw hanggang alas 11:59 ng gabi sa Enero 31.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCpt Thomas Zen Cheung, designated spokesperson ng security coverage ng ASEAN Summit, binanggit nito na sa nasabing panahon ay ipinagbabawal ang pagtransport ng mga armas at pagbili ng mga explosives or explosive ingredients.
Sinabi pa ni Cheung na tanging mga opisyal ng PNP, AFP, at iba pang law enforcement agencies ang pinapayagang magdala ng baril sa panahon ng suspensyon.
Tiniyak naman ng mga otoridad sa rehiyon na walang na-monitor na banta sa seguridad sa kasalukuyan kaugnay sa nalalapit na aktibidad at sinigurong maisagawa ito ng maayos at mapayapa.
















