-- Advertisements --

Kinumpirma ng Justice Department na aabot sa 401 na “human skeletal remains” ang narekober sa Taal Lake, kaugnay ng paghahanap ng mga labi ng mga nawawalang sabungero.

Ito ang ini-ulat ni Justice Assistant Sec. Eliseo Cruz, sa briefing ng House Committee on Human Rights (CHR).

Sinabi ni Cruz, batay sa rekord ng PNP Forensic Group mula noong July 10 hanggang sa kasalukuyan nasa 401 na mga buto ay nakuha ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa labing pitong mga lokasyon.

Ayon pa kay Cruz, ang mga buto ay nasa loob ng mga sako nang matagpuan.

Hawak na aniya ng PNP Forensic Group ang mga nakuhang mga buto.

Matatandaan na sinabi ng whistleblower na si Julie Dondon Patidongan na itinapon sa Taal Lake ang mga labi ng mga nawawalang sabungero.

July 10, 2025 nang ilunsad ang inisyal na assessment sa Taal Lake. Habang July 11 sinumulan ang full blown search.

Sa kasalukuyang patuloy pa ang ginagawang operasyon ng PNP Forensic at PCG sa kabila ng mga hamon.