-- Advertisements --

Iginiit ni Gilberto Teodoro Jr. na walang nakikitang banta ng destabilization sa hanay ng aktibong miyembro ng militar sa kabila ng tensyon sa Senado kaugnay ng sitwasyon ni Sen. Ronald dela Rosa.

Ayon kay Teodoro, nananatiling propesyonal ang Armed Forces of the Philippines at hindi nakikialam sa mga usaping pulitikal. Aniya, maaaring magkaroon ng suporta mula sa ilang retiradong opisyal o dating kasamahan ni Dela Rosa sa military academy, ngunit hindi umano maaapektuhan ang mga nasa aktibong serbisyo.

Binigyang-diin din ng kalihim na natuto na ang militar mula sa mga nakaraang insidente ng pakikialam sa pulitika at wala umanong legal na basehan ang mga panawagang mag-aklas ang sandatahang lakas.

Ang pahayag ni Teodoro ay kasunod ng kaguluhan sa Senado noong Mayo 13 habang nasa protective custody si Dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa ICC dahil sa umano’y crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon. Kalaunan, nakaalis din ang senador sa Senado kasama si Sen. Robin Padilla, na kalauna’y tinukoy ng NBI bilang “person of interest” sa imbestigasyon sa pagkawala ni Dela Rosa sa Senate premises. (Report by Bombo Jai)