Ligtas na nakabalik sa bansa ang 34 overseas Filipino workers (OFWs) at isang dependent mula sa Qatar noong Sabado, Mayo 16, bilang bahagi ng repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga Pilipinong apektado ng tumitinding tensyon sa ilang bahagi ng Middle East.
Dumating ang grupo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City sakay ng Qatar Airways Flight QR934, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinalubong ang mga repatriate ng mga kinatawan mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at mga medical personnel ng Manila International Airport Authority (MIAA), kasama ang New NAIA Infrastructure Corporation.
Agad na binigyan ng assistance at isinailalim sa assessment ang mga umuwing OFWs upang matiyak ang maayos nilang pagbabalik sa bansa.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East kasunod ng tumitinding tensyon at kaguluhan sa rehiyon na nag-udyok sa ilang overseas Filipino workers na humiling ng tulong para makauwi sa Pilipinas.
Nauna nang iniulat ng DMW na nakatanggap sila ng maraming request para sa repatriation mula sa mga Pilipinong nasa mga apektadong lugar habang lumalala ang tensyon sa rehiyon.
Dahil dito, inihayag ng ahensya na nakahanda ang kanilang contingency measures sakaling kailanganin ang mas malawakang evacuation operations.















