-- Advertisements --

Ligtas na nakauwi ang 22 Filipino tripulante sa bansa matapos maapektuhan ng mga drone strike ang kanilang mga barko sa Strait of Hormuz at Black Sea, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Dumating sa NAIA Terminal 3 noong Agosto 10 ang mga seafarer na sakay ng dalawang magkahiwalay na flight mula Qatar at Türkiye.

14 sa kanila ay crew ng M/V Acheloos, habang walo naman ang sakay ng M/V Else.

Agad silang sinalubong ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na nagbigay ng airport assistance, financial assistance at paunang medical checkup.

Inatasan din ng DMW at OWWA ang mga manning agency na tiyaking makakatanggap ang mga seafarer ng kinakailangang physical at psychological evaluation, gayundin ang lahat ng benepisyo at kompensasyong nararapat para sa kanila.

Samantala, pinaalalahanan ng DMW ang mga manning agency na itinuturing na high-risk area ang Black Sea.

Noong Hulyo, iniulat ng ahensya na dalawang Filipino seafarer ang nasawi at hindi bababa sa 12 ang nasugatan matapos ang drone attack sa Black Sea.