-- Advertisements --

Nagbabala si KABATAAN Party-list Rep. Renee Co na ang naganap na balasahan sa pamunuan ng Senado ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa gaganaping impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ibinahagi ni Co ang tatlong mahahalagang aspeto ito ay ang posibleng pagkaantala ng proseso, ang mismong takbo ng paglilitis, at ang pinal na botohan para sa hatol.

Binigyang-diin ni Co na kailangang tutukan ng mamamayang Pilipino, partikular na ng kabataan, ang mga susunod na hakbang ng Senado matapos ipasa ng Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.

Umakyat ang kaso sa Mataas na Kapulungan matapos bumoto ang Kamara ng 257-25-9 para patalsikin ang Pangalawang Pangulo sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon.

Ayon kay Co, nagawa na ng House Committee on Justice ang tungkulin nito at sinigurong walang butas ang proseso para hindi ito makuwestiyon.

Nilinaw niya na ang pagsusuring ito ay nagmula mismo sa Makabayan bloc na nasa minorya, at hindi sa liderato ng komite.

“Galing na po ito sa taga-minorya, na taga-Makabayan bloc, and hindi po sa leadership ng House Committee on Justice,” aniya.

Sinabi pa ni Co na bagaman nagkaroon ng magkakaibang pananaw sa ilang isyu gaya ng mga selyadong dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa reklamong isinulong ng Makabayan nanatiling patas at maingat ang komite para hindi mahanapan ng butas ng kampo ni Duterte.

Kabilang sa mga Articles of Impeachment na dinala sa Senado ang mga alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, tagong kayamanan at kahina-hinalang transaksyon sa pananalapi, panunuhol sa mga opisyal ng DepEd, at mga seryosong banta at pag-uudyok sa sedisyon.

Dahil dito, sinabi ni Co na dapat nang ilipat ng publiko ang kanilang atensyon sa Senado, lalo pa’t may mga pangamba kung kikilos ba ito nang mabilis matapos ang pagpapalit ng liderato.

Nagbabala rin siya na baka maulit ang nangyari sa 19th Congress kung saan hindi natuloy sa paglilitis ang naunang kaso ng impeachment laban kay Duterte.

Inilahad ni KABATAAN Party-list Rep. Renee Co ang tatlong partikular na usapin na dapat tutukan ng publiko sa gaganaping impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa Senado.

Una rito ang posibleng pagkaantala sa proseso dahil sa magiging interpretasyon ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano sa terminong “forthwith” o ang kautusan para sa agarang pagkilos sa kaso.

Ikalawa ang takbo ng paglilitis at ang panganib na maulit ang mga kontrobersya tulad ng impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, kung saan nagtalo ang mga mambabatas sa pagbubukas ng sobre ng ebidensya na nagpababa sa tiwala ng publiko.

Ikatlo ang pinal na botohan at ang posibilidad na mapawalang-sala si Duterte kung mabibigo ang Senado na maabot ang kinakailangang two-thirds na boto para sa paggawad ng kaparusahan.

Babala ni Co, kung kulang ang numero, baka ma-acquit o mapawalang-sala lang si VP Sara sa huli.

Giit ng mambabatas, simple lamang ang hiling ng publiko: dahil nagsimula na ang proseso ng impeachment, dapat itong tapusin ng Senado nang naaayon sa batas.

“Ang sa atin naman nagsimula na ang process. So galangin hanggang dulo at mangyari yung bawat step of the process in a way na hindi binabali at binabalikad yung batas at yung regulasyon,” pahayag ni Co.