-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na makatitiyak umano ang publiko na igagalang nito ang magiging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman sa mga nakabinbin petisyon may kinalaman sa pagkakaaresto kay former President Rodrigo Duterte tungo The Hague, Netherlands.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, kanyang sinabi na hihintayin ng kagawaran ang resolusyon ilalabas ng Korte Suprema.

Kanilang pinanindigan ang naunang posisyon sa oras tuluyang mag-isyu ang International Criminal Court ng ‘arrest warrant’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa.

Sakali man kasi mayroon nang ‘arrest warrant’ kontra sa mambabatas, bago gumawa ng anuman aksyon hinggil dito’y hihintayin aniya ng DOJ ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.

Kung kaya’t makakaasa umano ang publiko, nang tanungin, sa pagiging patas ng ahensiya sa magiging hakbang hinggil sa naturang isyu.

“Tulad ng nabanggit ko, the approach that DOJ will be taking is to wait for the Supreme Court’s decision on the earlier petitions that were filed so makakaasa yung taumbayan na aantayin namin yung decision ng Supreme Court,” ani Chief State Counsel Dennis Arvin Chan.

Batay sa huling impormasyon mula sa kagawaran, wala pa silang kumpirmasyon kung mayroon nang inilabas na ‘arrest warrant’ ang International Tribunal.

Habang mismong International Criminal Court na rin ang naglinaw na wala silang iniisyung ‘public arrest warrant’ laban kay Sen. Bato Dela Rosa.

Gayunpaman, ibinahagi ni Chief State Counsel na hindi pa rin nagbabago ang kanilang posisyon maghihintay sa desisyon ng Korte Suprema.

Maaalala noong nakaraang taon ay naghain ang kampo, pamilya ng mga Duterte ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman kumukwestyon sa legalidad ng pagpapadala kay former President Rodrigo Duterte tungo The Hague, Netherlands.