Kinumpirma ng Department of Justice na kanilang natanggap na ang inisyung ‘arrest warrant’ ng International Criminal Court laban kay Sen. Bato Dela Rosa.
Ayon mismo kay Justice Sec. Fredderick Vida, kanilang itinuturing bilang ‘valid’ ang naturang warrant at kinikilala ang kahilingan ng International Tribunal para maisilbi sa mambabatas.
Si Sen. Bato Dela Rosa ay nahaharap sa kasong ‘Crimes Against Humanity’ sa International Criminal Court.
Siya’y isa sa mga Co-Perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng programang ‘War on Drugs’ ng nakaraang administrasyon.
Dahil rito’y ipinag-utos na ng kalihim sa mga alagad ng batas na arestuhin si Sen. Dela Rosa bunsod sa inilabas na ‘arrest warrant’ ng International Tribunal.
Subalit aniya’y aarestuhin lamang ang mambabatas sa oras na ito’y magtangkang umalis o lumipad papalabas ng Pilipinas.
Nirerespeto at pinandigan ng kagawaran ang nauna nitong posisyon na hihintayin pa munang resolbahin ng Kataas-taasang Hukuman ang mga nakabinbin petisyon ng senador kumukwestyon sa legalidad ng pag-aresto gamit ang ‘warrant’ ng International Tribunal.
Gayunpaman nag-isyu na ang DOJ ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Sen. Bato upang paigtingin ang pagbabantay sakali man subukan nitong umalis pa ng bansa.
Bagama’t ipinapaaresto ng kalihim ang senador, nilinaw nitong walang inisyung kautusan na ipahanap o tukuyin ang lokasyon ng mambabatas.
Aniya’y hindi niya ipinag-utos na agad itong arestuhin sa oras na makita ng mga awtoridad sapagkat layon pa munang hintayin ang resolusyon ng Korte Suprema.
Samantala, kaugnay naman sa naganap na insidente ng putukan ng baril sa Senado, inilunsad ng Department of Justice ang ‘Special Panel of Prosecutors’ na tututok sa imbestigasyon.
Binigyan niya ng 48-oras ang mga ahensyang sangkot tulad ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Scene of the Crime Operatives, Office of the Senate Sergeant-at-Arms at iba pa para isumite ang nakalap na ebidensya.
Maging ang publiko o miyembro ng medya ay hinimok na makiisa at magsumite rin ng mga maaring magamit na ebidensya sa pangyayari sa Senado mula ika-11 hanggang ika-14 ng Mayo, 2026.
Sa kabila ng suspensyon ipinataw ng Office of the Ombudsman kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, walang nakikitang rason si SOJ Vida para suspendihin naman si National Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag.
















