Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang tangkang pagsisilbi ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Iginiit ng Bise Presidente na ang warrant na mula sa labas ng bansa ay dapat munang iprisenta sa lokal na korte sa Pilipinas.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang panayam sa kaniya sa The Hague, Netherlands, kung saan dinadalaw niya ang nakadetineng ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, hindi tama ang naging hakbang laban sa Senador na inihalintulad ng Bise Presidente sa ginawa noon sa pag-aresto sa kaniyang ama bago tuluyang dalhin sa The Hague.
Maaalala nga na isinilbi ang ICC arrest warrant laban sa dating Pangulo noong Marso 2025 saka inilipad patungong The Hague matapos arestuhin at i-hold sa Villamor Air Base.
Samantala, tumanggi naman ang pangalawang pangulo na magkomento sa pagbabago sa liderato sa Senado. Aniya, ang naturang usapin ay nasa sariling pagpapasya na ng mga senador.
















