-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Education (DepEd) na umabot na sa 3,605 paaralan mula sa iba’t ibang rehiyon ang nasira matapos ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30 kung saan tinatayang aabot umano sa P1.67 billion ang halaga ng pinsala.

Ayon sa ulat ng DepEd-Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), 256,578 mag-aaral at 15,028 guro ang apektado ng naturang lindol, habang 1,736 estudyante at 227 guro ang nasugatan. Sa kabuuan, umaabot na sa 75 katao ang nasawi sa lindol.

Pinakamalubha umano ang epekto sa Central Visayas, kung saan 2,113 paaralan ang naapektuhan. Kasama rin sa mga nasalanta ang mga rehiyon ng Western Visayas, Central Luzon, at Zamboanga Peninsula.

Nagsasagawa na ng assessment ang mga engineering teams para sa gagawing rehabilitasyon, habang nagbigay din ng psychological first aid sa mga guro at estudyante. Nananawagan din ang DepEd sa lahat ng paaralan na palakasin ang kahandaan sa sakuna at tiyakin ang kaligtasan ng mga pasilidad.