-- Advertisements --

Papayagan nang makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mahigit 3,800 evacuees kasunod ng pagbaba ng alerto sa bulkang kanlaon.

Hulyo-29 nang nagdesisyon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ilagay na sa Alert Level 2 ang dating Level 3 na pina-iral sa naturang bulkan mula pa noong December 2024.

Batay sa datus ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Hulyo-30, hanggang 1,287 pamilya ang pansamantalang nakatira sa 18 nakabukas na evacuation center. Ito ay binubuo ng 4,180 katao mula sa Negros Occidental at Negros Oriental.

Mahigit 3,300 pamilya rin ang piniling makitira sa kanilang mga kaanak at kapamilya mula noong pumutok ang bulkan, Disyembre ng nakalipas na taon.

Ayon sa OCD, ang mahigit 3,800 evacuuees na maaaring pabalikin na sa kanilang mga tahanan ay pawang nakatira sa labas ng 4-kilometer permanent danger zone.

Sa kasalukuyan, binabantayan pa rin ang naturang danger zone habang hindi pa rin inaalis ang banta ng naturang bulkan.

Ayon sa Phivolcs, kung may mga matutukoy na pagbabago sa aktibidad ng bulkan ay maaaring baguhin muli ang alerto anumang araw.