Pinahintulutan na ng pamahalaan ng United Kingdom ang U.S. na gamitin ang mga military base nito upang magsagawa ng mga missile strike laban sa mga missile site ng Iran na umano’y ginagamit sa pag-atake sa mga barko sa Strait of Hormuz.
Ayon sa pahayag ng Downing Street, nagkaroon ng pagpupulong ang mga opisyal ng U.K. upang talakayin ang tensyon sa Iran at ang pagharang nito sa Strait of Hormuz na itinuturing isang mahalagang daanan ng langis sa mundo.
Napag-alaman na nakasaad sa kasunduan ang paggamit ng Estados Unidos sa mga base ng UK na bahagi ng “collective self-defense” sa rehiyon, na kinabibilangan ng mga operasyong naglalayong pahinain ang mga missile site na siyang ginagamit sa pag-atake sa mga barko sa strait.
“They confirmed that the agreement for the U.S. to use UK bases in the collective self-defense of the region includes U.S. defensive operations to degrade the missile sites and capabilities being used to attack ships in the Strait of Hormuz,” ani ng Downing Street.
Nauna rito na tinanggihan ni U.K. Prime Minister Keir Starmer ang kahilingan ng Amerika dahil nais muna niya raw na matiyak na naaayon sa batas ang anumang military action.
Gayunpaman, nagbago umano ang kanyang posisyon matapos magsagawa ng mga pag-atake ang Iran laban sa mga kaalyado ng U.K. sa Middle East.
















