-- Advertisements --

Magkakaroon ng toll rate discounts para sa mga public utility vehicles (PUVs), public utility buses (PUBs), at mga freight vehicles simula Marso 23, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sakop ng adjusted toll rates ang Class 1 PUVs/jeepneys, Class 2 PUBs, at Class 3 vehicles na ginagamit sa freight at logistics ng mga essential goods.

Layunin nitong makatulong sa sektor ng transportasyon na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon sa DOTr, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na maghanap ng mga paraan upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng gasolina dulot ng tensyon sa Middle East.

Sa isang liham ni Toll Regulatory Board executive director Jay Art Tugade kay DOTr chief Giovanni Lopez, sinabi nito na boluntaryong magpapatupad ng pansamantalang toll discounts ang mga toll concessionaires bilang suporta sa mga apektadong sektor.

Ayon sa DOTr chief, makatutulong ang hakbang upang mapanatili ang katatagan ng pamasahe at presyo ng mga bilihin.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga kumpanyang San Miguel Corporation at Metro Pacific Tollways Corporation sa kanilang pakikiisa sa implementasyon ng toll relief.

Ang discount ay ipatutupad sa loob ng dalawang buwan at maaaring palawigin depende sa pagsusuri ng pamahalaan.

Sa ilalim ng programa, maaaring makatipid ng hanggang P18 ang Class 1 vehicles, P47 ang Class 2, at P72 ang Class 3 kada biyahe.

Ipapatupad ang diskwento sa pamamagitan ng rebates na ike-credit linggu-linggo sa mga kwalipikadong sasakyan.

Kasabay nito, inilunsad ng Metro Pacific Tollways Corporation ang kanilang NLEX KaBiyahe toll rebate program mula Marso 23 hanggang Mayo 22, na makikinabang ang accredited PUBs, modernized jeepneys, at Class 3 vehicles.

Upang maging kwalipikado, kailangang rehistrado at accredited ang mga operator sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may Easytrip account na may sapat na load, at hindi kabilang sa iba pang discount programs.