Maaari nang makakuha ng libreng almusal at tanghalian ang mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) sa Walang Gutom Kitchen ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Pasay City.
Ayon sa DSWD, inilunsad ang programa upang matulungan ang mga tsuper na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng digmaan sa Middle East.
Ibinibigay ang libreng almusal alas-6:00 ng umaga at alas-11:00 ng umaga para sa tanghalian, mula Lunes hanggang Sabado.
Kabilang sa mga inihahandang pagkain para sa almusal ang sinangag, pritong dilis, at scrambled egg na may patatas, habang sa tanghalian ay may kanin, pritong manok, at ginisang kalabasa na may sitaw.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, layunin ng programa na matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang mga tsuper sa kabila ng tumataas na gastusin.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng whole-of-government approach upang makatulong sa mga apektadong sektor, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukas din ang Walang Gutom Kitchen hindi lamang para sa mga tsuper kundi para sa sinumang nangangailangan ng pagkain.
Batay sa tala ng DSWD, umabot na sa mahigit 200,000 pagkain ang naipamahagi noong 2025 sa higit 142,000 benepisyaryo, kabilang ang mga bago at bumabalik na kliyente ng ahensya.















