-- Advertisements --

Pansamantalang sinuspinde ng flag carrier na Philippine Airlines ang ilang biyahe nito papuntang Middle East, kabilang ang mga ruta sa Dubai at Doha, bunsod ng patuloy na lumalalang tensyon sa rehiyon.

Ayon sa pamunuan ng paliparan, kabilang sa apektadong flights ang PR 658/659 (Manila–Dubai–Manila), PR 684 (Manila–Doha), at PR 685 (Doha–Manila), kabilang na ang karagdagang kanselasyon ng PR 685 na orihinal na nakatakda sa Mayo 1, 2026.

Paliwanag ng PAL na isinasaalang-alang nila ang kasalukuyang sitwasyon sa ilang bahagi ng Middle East upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, crew, at kanilang mga eroplano.

“The safety of our passengers, crew, and aircraft remains Philippine Airlines’ highest priority,” ayon sa abiso ng airline.

Para sa mga naapektuhang pasahero, nag-alok ang PAL ng mga opsyon tulad ng libreng rebooking kapag nag-resume ang mga biyahe, conversion ng tickets into travel credits, o full refunds alinsunod sa kanilang mga patakaran.

Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsasaayos ng mga airline sa buong mundo na naapektuhan ng umiigting na labanan sa Middle East, na patuloy na nakaaapekto sa ilang international flight routes at operations.