Iginiit ng Iran nitong Biyernes na wala pa itong ”final decisions” sa isang posibleng kasunduan na maglalayong wakasan ang tensyon sa Gitnang Silangan, sa kabila ng pahayag ni U.S. President Donald Trump na maaaring mapirmahan ang isang deal sa loob ng ilang araw.
Pero mariing itinanggi ng Iran ang ideya na tapos na ang usapan.
Ayon sa tagapagsalita ng Iranian foreign ministry na si Esmaeil Baqaei, wala pa silang desisyon sa anumang kasunduan. Aniya, bagama’t may mga bahagi ng teksto na napagkasunduan na, nabigo ito dahil sa mga bagong kondisyon na inilatag ng Estados Unidos.
Dagdag pa ng Iranian state media, huwag daw basta maniwala sa mga pahayag ni Trump hangga’t hindi ito kinukumpirma ng Tehran.
Sa gitna ng magkasalungat na pahayag, sinabi rin ni Trump na naiparating at naaprubahan na raw ang mga detalye ng kasunduan sa pinakamataas na liderato ng Iran at pati na rin sa mga kaalyado sa rehiyon, kabilang ang Israel.
AYon naman sa Israel, nakipag-usap na si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kay Trump, kung saan tinalakay ang posibleng kasunduan na magtatanggal ng nuclear materials ng Iran at sisira sa missile capabilities nito.
Ang mga pahayag ay kasunod ng patuloy na tensyon sa rehiyon na nagsimula noong Pebrero matapos ang serye ng US-Israeli strikes sa Iran, na nagdulot ng malawakang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Bagama’t nagkaroon ng pansamantalang tigil-putukan noong Abril, nananatiling mabagal ang pag-usad ng usapang pangkapayapaan.
Patuloy rin ang babala ng Iran hinggil sa posibleng epekto sa pandaigdigang ekonomiya, lalo na sa seguridad ng Strait of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang ruta ng langis at gas sa mundo.
















