Inihayag ng Qatar na umuusad na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, bagay na nagpababa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Qatar, tinalakay nina U.S. President Donald Trump at Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani ang mga hakbang upang mapalapit ang posisyon ng Washington at Tehran at maibalik ang normal na sitwasyon sa Strait of Hormuz.
Gayunpaman, iginiit ng Iran na wala pang pormal na negosasyon na isinasagawa ang Amerika.
Samantala, sinabi ng Iran na nagpapatuloy ang positibong pag-uusap nito sa Oman hinggil sa ligtas na pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, bagama’t nananatiling sarado ang naturang ruta sa malaking bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa mundo.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon kung saan isang cargo vessel ang tinamaan ng hindi pa matukoy na projectile malapit sa Strait of Hormuz, habang isang barko ng Indian ang lumubog malapit sa karagatan ng Yemen matapos ding tamaan ng projectile missile.
Nailigtas ang lahat ng 14 na tripulanteng sakay ng naturang barko.
Samantala, sinabi ng Qatar na patuloy ang kanilang koordinasyon kasama ang Oman at Pakistan upang maisulong ang peace talk, habang umaasa ang mga opisyal ng U.S. na maaaring magkaroon ng kasunduan sa pagbubukas ng Strait of Hormuz sa mga susunod na araw.
















