-- Advertisements --

Ipinagpaliban ni U.S. President Donald Trump ang planong panibagong pag-atake laban sa Iran, habang may isinasagawang negosasyon upang matigil ang nuclear program ng Tehran at muling mabuksan ang Strait of Hormuz.

Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na pumayag siyang huwag muna ituloy ang panibagong pag-atake matapos umanong humiling ang Iran at ilang bansa sa Gitnang Silangan ng karagdagang panahon para makumpleto ang isang kasunduan.

Layunin ng negosasyon na tuluyang maibalik ang operasyon sa Strait of Hormuz, na isang mahalagang ruta na dinaraanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo, at matigil ang banta sa nuclear program ng Iran.

Ayon kay Trump, suportado rin ng Israel ang pansamantalang hakbang, ngunit nilinaw niyang maaari pa ring ituloy ang pag-atake kung mabibigo ang usapang pangkapayapaan.

Samantala, iginiit ng Israel na patuloy itong kikilos laban sa Iran kung muling isusulong ng Tehran ang nuclear program o pagpapalakas ng ballistic missile capabilities nito.

Sa panig naman ng Iran, sinabi ng acting defense minister na itinuturing nilang bahagi lamang ng “psychological warfare” ang mga banta ng Estados Unidos, ngunit tiniyak na mananatiling handa ang kanilang militar sa anumang posibleng pag-atake.

Nanawagan din ang Saudi Arabia ng pagpapatuloy ng diplomasya at dayalogo upang mapababa ang tensyon sa rehiyon.