-- Advertisements --

Umabot na sa $37.5 bilyon ang nagagastos ng Estados Unidos sa kasalukuyang digmaan laban sa Iran ayon kay Defense Secretary Pete Hegseth.

Kaugnay nito, humihingi ang administrasyon ni Trump ng karagdagang $87.6 bilyon, kung saan $67 bilyon ay para sa operasyon sa Middle East, upang mapunan ang kakulangan sa bala, kagamitan, at pampasweldo sa mga sundalo.

Sa kaniyang unang pagharap sa Capitol Hill mula nang magsimula ang giyera sa Iran, para sa pagtalakay ng pondo ng Pentagon sa sunod na fiscal year, naantala nang apat na beses sa loob lang ng tatlong minuto ang talumpati ni Hegseth dahil sa mga sumisigaw na demonstrador.

Kabilang sa mga isinigaw ng mga raliyista ay “Stop bombing our children in Iran and Palestine!” at “This is illegal!”

Pansamantalang itinigil ni Senate Appropriations Committee Chair Susan Collins ang pagdinig upang bigyang-daan ang Capitol Police na ilabas at eskortan ang anti-war protesters na nasa silid.

Bukod sa mga raliyista, nakatanggap din si Hegseth ng matinding patutsada mula sa mga senador tulad ni Sen. Patty Murray, na nagbabala na ang sigalot ay maaari na namang maging isang “panghabambuhay na digmaan” na unti-unti nang nawawalan ng suporta mula sa publiko.