-- Advertisements --

Nagbabala ang Iran na gaganti ito nang buong lakas sakaling ituloy ng Estados Unidos ang panibagong pag-atake, kasunod ng mga pahayag ni U.S. President Donald Trump.

Sa pakikipag-usap ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi sa mga opisyal ng Turkey, Pakistan, at Saudi Arabia, sinabi niyang handa ang Iran na magbigay ng “proportionate” o katumbas na tugon sa anumang agresyon mula sa Estados Unidos at Israel.

Nagbabala rin ang Iran na posibleng targetin ang mga oil at gas facilities sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, at Israel kung aatake ang Amerika sa mga pasilidad ng enerhiya ng Tehran.

Samantala, sinabi ni Trump na bukas pa rin siya sa negosasyon sa Iran, ngunit aminado siyang nawawalan na siya ng tiwala sa Tehran.

Patuloy namang naaapektuhan ang pandaigdigang merkado ng enerhiya dahil sa nagpapatuloy na sigalot.

Tumaas ang presyo ng Brent crude oil at nananatiling limitado ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz.

Sa Kuwait, iniulat ng militar na napabagsak nito ang ilang drone na umano’y inilunsad ng Iran, habang may mga ulat din ng pagsabog malapit sa karagatan ng Oman.