Nagkasundo ang Iran at Estados Unidos na itigil ang kamakailang sigalot sa Gulf at ipagpatuloy ang diyalogo hinggil sa kanilang alitan sa Strait of Hormuz, ayon sa ulat.
Ang hakbang na ito ay nakikitang magtatapos sa palitan ng mga pag-atake na nagbabanta sa kanilang interim peace agreement.
Ayon sa isang senior US official, plano ng magkabilang panig na magpulong bukas, Hunyo 30, sa Qatar. Gayunpaman, wala pang opisyal na pahayag ang White House ukol dito sa kasalukuyan.
Ang pagpapanumbalik ng diplomasiya ay kasunod ng ilang araw na palitan ng strikes sa pagitan ng dalawang bansa.
Nagsimula ang tensyon noong Huwebes nang tamaan ng Iranian projectile ang isang cargo vessel sa Strait of Hormuz. Nagpalitan naman ng sisi ang US at Iran sa kung sino ang lumabag sa interim ceasefire na una nang napagkasunduan noong Hunyo 17.
Nitong Linggo naman, naglunsad ang Iran ng mga missile at drone sa mga military site ng US sa Kuwait at Bahrain. Nangyari ito ilang sandali matapos magbanta si US President Donald Trump na pababagsakin ang liderato ng Iran kung hindi nito susundin ang kasunduan upang wakasan ang kanilang giyera.















