-- Advertisements --

Ligtas na nakabalik sa bansa ang karagdagang 14 Pilipino mula Dubai sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City bandang alas-10:00 ng gabi noong Abril 19, 2026, sakay ng isang Emirates Airlines commercial flight.

Pagdating sa bansa, agad silang sinalubong at inalalayan ng mga kawani ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Binigyan sila ng tulong pinansyal, pagkain, transportasyon, serbisyong medikal, at pansamantalang matutuluyan.

Sila rin ay isinailalim sa profiling, skills assessment, at job matching para matulungan sa paghahanap ng bagong trabaho.

Sa kabuuan, umabot na sa 1,341 OFWs at 413 kanilang mga kaanak mula Dubai ang matagumpay na naibalik sa Pilipinas sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan.

Samantala, patuloy ang ginagawang koordinasyon ng DMW sa iba’t ibang ahensya upang palakasin ang post-repatriation assistance para sa mga OFW, kabilang ang tulong sa kabuhayan at reintegration.