Umabot sa kabuuang 21,098 pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lahat ng pantalan sa buong bansa mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga ng Nobyembre 2, 2025, bilang bahagi ng kanilang pagbabantay sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025.”
Sa nasabing bilang, 10,772 ang outbound passengers habang 10,326 naman ang inbound passengers.
Bilang paghahanda sa taunang pagdagsa ng mga biyahero tuwing Undas, mahigit 5,200 frontline personnel mula sa 16 PCG Districts ang naitalagang magbantay sa mga pantalan.
Nagsagawa rin sila ng inspeksyon sa 157 barko at 26 na motorbanca upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga pasahero.
Simula pa noong Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, itinaas ng PCG ang alert status sa lahat ng kanilang districts, stations, at sub-stations bilang tugon sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga bumibiyaheng Pilipino na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya upang gunitain ang Araw ng mga Kaluluwa at Araw ng mga Santo.
Ang “Oplan Biyaheng Ayos” ay isang taunang inisyatibo ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang mga ahensyang tulad ng PCG, LTO, LTFRB, at PNP upang tiyakin ang ligtas, maayos, at mabilis na biyahe ng publiko tuwing peak travel seasons gaya ng Undas, Pasko, at Bagong Taon.
Bukod sa inspeksyon ng mga sasakyang pandagat, patuloy ding ipinatutupad ng PCG ang strict security protocols, kabilang ang paglalagay ng mga K9 units, baggage inspection, at pagbabantay sa mga pasilidad ng pantalan upang maiwasan ang anumang insidente.
Pinapayuhan ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa mga otoridad para sa mga abiso sa lagay ng panahon at kondisyon ng biyahe, at tiyaking sumusunod sa mga itinakdang alituntunin para sa kanilang kaligtasan.















