-- Advertisements --

Mahigit 1,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang lumahok sa dalawang araw na Serbisyo Caravan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Jeddah, Saudi Arabia noong Agosto 8 at 9.

Ayon sa paunang datos ng DMW, 1,183 participants ang nakinabang sa kabuuang 3,832 serbisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang OFW membership registration, legal aid, contract verification, tulong pangkalusugan, at documentary application.

Kabilang sa mga katuwang na ahensya ang Philippine Consulate General sa Jeddah, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Migrant Workers Office (MWO), Public Attorney’s Office (PAO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), Landbank, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund.

Ito na ang ika-anim na Serbisyo Caravan ng DMW sa ibang bansa, matapos ang mga naunang caravan sa Hong Kong, Riyadh, Osaka, at Qatar.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na ang inisyatibo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang masigurong nararamdaman ng mga OFW ang serbisyong hatid ng “#BagongPilipinas.”

Nangako rin si Cacdac na muling babalik ang caravan sa Jeddah upang mas marami pang OFWs ang matulungan.

Ang susunod na Serbisyo Caravan ay gaganapin sa Al Khobar ngayong Agosto 12.