Hinigpitan ng Maguindanao Police Provincial Office (PPO) ang ipinakalat nitong security measure sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, kasunod ng protesta na isinagawa ng mga mamamayan dahil sa pagkakadelay sa pagdating ng mga Automated Counting Machine (ACM) at iba pang mahahalagang election material.
Sa official statement na inilabas ni PCol. Eleuterio Ricardo, ang PD ng Maguindnao Del Norte PPO, nakasaad dito na kasama ng pulisya ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang masigurong mabantayan ang sitwasyon.
Nagsagawa na aniya ang security forces ng heightened security measure sa naturang lugar upang mabigyang-daan ang maayos at ligtas na diskusyon, diyalogo, at serye ng negosasyon.
Nagsisilbi aniyang prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng bawat indibidwal, kasama na ang pag-usad ng halalan nang hindi naaantala o naapektuhan.
Kasalukuyan din aniyang gumugulong ang diyalogo sa Comelec, LGU, at mga community leader para mapag-usapan ang kasalukuyang problema, matugunan, at hindi na humaba pa ang problema sa naturang lugar.
Mahalaga aniya na makahanap ng akmang solusyon at magpatuloy ang proseso ng halalan. Pinapakalma rin ng Maguindanao del Norte PPO ang publiko at pinaalalahanang pairalin ang pasensiya, habang hinahanapan ng solusyon ang naturang problema.
Apela ng PPO sa publiko, ipagpapatuloy nito ang pagmonitor sa sitwasyon, kasama ng Comelec, AFP, atbapang ahensiya ng pamahalaan.
Samantala, kaninang alas-12:20 ng tanghali ay hindi pa nagsisimula ang botohan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Gayunpaman, nagsimula na rin dinadala ang mga election paraphernalia sa naturang lugar.