-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hiling sa ngayon ng mga naulilang pamilya ng Maguindanao massacre victims na bilisan ng Court of Appeals (CA) ang pagpapalabas ng resolusyon ng kaso.

Ito’y matapos na nagsumite ng apela ang pamilya ng 58 biktima para sa pagpapabilis ng civil damages lalo’t 12 taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang malagim na krimen sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Nena Santos, maituturing na usad pagong ang proseso sa kanilang apela matapos ang partial promulgation ng lower court sa kaso noong Disyembre taong 2019.

Ayon kay Atty. Santos, hindi pa nakakatanggap hanggang sa ngayon ng civil compensation ang mga pamilya na karapat-dapat naman sana umanong taasan mula sa naging desisyon ni Atty. Jocelyn Solis- Reyes.

Kasabay nito, ipinasiguro ni Santos na hindi niya papabayaan ang kaso dahil napakaraming mga pinagdaanan na nila na pananakot sa umpisa pa lamang.

Sa ngayon, umaasa pa rin ang mga pamilya na mahuli na ang nasa 75 pang “at large” na suspek habang nais din nila na huwag nang iboto ang sinumang mga kasapi ng Ampatuan clan sakaling tatakbo sa anumang posisyon sa darating na May 2022 elections.

Kahapon, Nobyembre 23, 2021, ay ang ika-12 taon na ng madugong Maguindanao massacre.