-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Red Cross (PRC) na umabot sa 856 pasyente ang kanilang naalalayan mula Enero 8 hanggang 10, sa pagdiriwang ng Feast of the Nazarene.

Sa bilang na ito, 415 indibidwal ang sumailalim sa vital signs monitoring, 409 ang may minor cases gaya ng pagkahilo, sugat, abrasion, sprain, paso, at lagnat, habang 13 ang major cases kabilang ang malalim na sugat, hirap sa paghinga, at fracture.

Mula sa kabuuang pasyente, 19 ang kinailangang dalhin sa iba’t ibang ospital tulad ng PGH, Philippine Orthopedic, Tondo Medical, Quirino Memorial, Jose Reyes, Valenzuela Medical Center, Ospital ng Maynila, East Avenue, Fabella, at San Lazaro.

Nagbigay din ang PRC ng 2,204 welfare assistance, kabilang ang psychosocial first aid sa 83 katao, tracing sa 6, referral sa 38, free calls sa 2, at pamamahagi ng 2,075 food packs. Sa kanilang Emergency Field Hospital, 44 pasyente ang naasikaso, kung saan 34 ang minor cases at 10 ang inilipat sa ibang ospital.

Sa tubig at sanitasyon, nakapag-distribute ang PRC ng 1,300 litro ng inuming tubig at 10,000 litro ng domestic water, na nakapagsilbi sa 2,950 indibidwal.

Para sa operasyon, nag-deploy ang PRC ng 1 command post, 17 first aid stations, 27 welfare desks, 10 foot patrols, 1 emergency field hospital, 19 ambulansya, 3 service vehicles, 9 medic on wheels, 1 water tanker, 3 rescue boats, at 1 Humvee, na suportado ng 1,260 staff at volunteers.

Ang malawak na aksyon ng PRC ay patunay ng kanilang kahandaan at dedikasyon sa pagbibigay ng tulong at kaligtasan sa milyun-milyong debotong lumahok sa Traslacion 2026.