Kinumpirma ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na overloaded o punuan na ang Ospital ng Maynila sa Malate dahil sa pagsipa ng mga kaso ng leptospirosis bunsod ng mga kamakailang pagbaha.
Sa isang press conference, iniulat ng alkalde na dahil sa mga pagbaha, tumaas ang mga kaso ng dinadapuan ng sakit na nagdulot ng pagkapuno ng emergency room ng mga ospital.
Maliban sa Ospital ng Maynila, pareho din ang sitwasyon sa Ospital ng Sta. Ana dahil sa mataas na bilang ng mga pasyente.
Pinayuhan naman ng alkalde ang publiko na maaaring magpa-admit sa ibang mga ospital gaya ng San Lazaro Hospital at Jose R. Reyes Memorial Medical Center na parehong nasa Santa Cruz, ang Philippine General Hospital sa Ermita at Tondo Medical Center.
Base sa datos ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga districts hospital, nakapagtala ng kabuuang 35 na kumpirmadong kaso, 18 ang nasawi habang 78 ang naka-confine sa lungsod dahil sa leptospirosis.
Pinakamarami nga na nakapagtala ng kaso ng sakit ang Ospital ng Maynila Medical Center na may 45 na kumpirmadong kaso, nasa anim ang binawian ng buhay at 24 ang naka-confine.
Matatandaan, ilang mga kakalsadahan sa kapital ng Pilipinas ang nalubog sa baha dahil sa epekto ng mga magkakasunod na bagyo at habagat.