Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ligtas ang mga pangunahing tulay sa Maynila na dadaanan ng Traslacion ng Poong Jesus Nazareno sa Enero 9, ayon yan kay Manila Mayor Francisco Domagoso.
Ayon sa alkalde, naglabas na ng certification ang DPWH matapos suriin ang kalagayan ng Quezon Bridge, Carlos Palanca Bridge, Ayala Bridge, at Arlegui Bridge 1. Batay sa pagsusuri ng DPWH-NCR, ang mga nasabing tulay ay nasa “fair condition,” na nangangahulugang maayos at ligtas pa ring gamitin.
Dagdag pa niya na mahalaga ang certification bilang bahagi ng crowd at safety planning ng lungsod, dahil inaasahang daan-daang libong deboto ang dadaan sa mga rutang ito. Maayos ding nakakabit ang mga railings at barricades at wala umanong sagabal sa mga daanan ng tao.
Bagaman may ilang tulay na kasalukuyang inaayos, tulad ng Quezon Bridge, nilinaw ng DPWH na hindi ito makaaapekto sa kaligtasan ng Traslacion. Pinayagan din ng ahensya ang paggamit ng mga tulay basta’t ipagbabawal ang vehicular traffic habang isinasagawa ang prusisyon.
















