-- Advertisements --

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Malacañang upang talakayin ang kooperasyon ng pambansang pamahalaan at pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-inprastruktura at programang panlipunan sa kabisera ng bansa.

Pinag-usapan nina Pangulong Marcos at Mayor Domagoso ang pagtutulungan sa mga proyektong tulad ng North at South Harbor Bridge, retrofitting ng Lambingan Bridge, North-South Commuter Railway (NSCR), at ang pipe-laying project ng MWSS sa Pandacan para palakasin ang suplay ng tubig sa lugar.

Kabilang din sa mga prayoridad na inisyatibo ni Pangulong Marcos na nangangailangan ng suporta ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay ang Greater Metro Manila Waterways Cleaning and Clearing Operations at ang Bayanihan sa Estero Program.

Tinalakay rin sa pulong ang pagpapalakas ng monitoring sa mga infrastructure projects, pagtulong sa mga pamilyang nasa lansangan upang maisama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang programa ng DSWD. Kasama rin dito ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga pangunahing programa ng pamahalaan gaya ng National Immunization Program at National ID registration.