Mas kontrolado na ngayon ang sitwasyon sa Philippine General Hospital (PGH), ilang araw matapos umabot sa lampas-kapasidad ang emergency room dahil sa dagsa ng mga pasyente.
Ito ang sinabi ni PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, kasabay ng kanyang pasasalamat sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Legaspi, nasa 98.97% ang occupancy rate ng ospital, habang umabot sa 199 ang bilang ng mga pasyente sa emergency room nitong Sabado ng umaga.
Dagdag pa niya, simula Agosto 1 ay mayroon na silang naitalang 56 kaso ng leptospirosis.
Bago nito, sinabi ng DOH na may 20 ospital sa Metro Manila, kabilang ang mga government-owned or controlled corporations (GOCCs), na handang tumanggap ng mga pasyenteng hindi na kayang i-accommodate ng ibang ospital dahil sa sobrang dami ng tao.