-- Advertisements --

Tinanggal sa puwesto si Colonel Audie Mongao ng Philippine Army matapos masangkot sa kontrobersya kaugnay ng umano’y online statement na naglalaman ng pag-atras ng suporta sa Pangulo.

Ayon kay Major General Michael G. Logico, Commander ng Training Command, si Mongao ay kasalukuyang naka-New Year’s Break status at hindi pa nila nakokontak sa kabila ng mga pagsisikap ng kanyang command.

Epektibo noong gabi ng Enero 8, 2026, inalis siya bilang Commander ng Training Support Group at inilagay sa attached/unassigned status sa Office of the Commander, Training Command.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may posibleng administratibo at legal na kasong isasampa laban sa kanya.

Nilinaw ni Logico na nananatili pa ring responsibilidad ng kanyang command si Mongao at patuloy silang nagsisikap na makipag-ugnayan upang maipagkaloob ang kinakailangang emotional support.

Batay sa ulat, kumalat ang umano’y pahayag ni Mongao na nag-aanunsyo ng pag-atras ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nanindigan ang Philippine Army na nananatili itong propesyonal, tapat sa Konstitusyon, at nakahanay sa chain of command.