-- Advertisements --

Kinondena ni ML Partylist Representative Leila de Lima ang Estados Unidos sa ilalim ni Pangulong Donald Trump dahil sa umano’y pagiging agresor nito sa pandaigdigang entablado, kasunod ng pag-atake sa Venezuela at paghuli kay President Nicolás Maduro.

Ayon sa mambabatas, ang insidenteng ito ay nagpapahina sa umiiral na rules-based international order at nagtatakda ng mapanganib na halimbawa ng tumitinding agresyon ng mga makapangyarihang bansa.

Binanggit ni De Lima na ang ganitong hakbang ay nagno-normalize sa pananakop ng Russia sa Ukraine, agresyon ng China at genocide ng Israel sa mga Palestino.

Aniya, ibinabalik nito ang pandaigdigang kaayusan sa barbarikong prinsipyo ng “might makes right,” na winawasak ang mga tagumpay ng United Nations mula pa noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dagdag pa niya, bilang kaalyado ng U.S., nawawala ang moral na paninindigan ng Pilipinas sa pagtutol sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Sinabi ni De Lima na kahit sumusunod ang bansa sa batas internasyonal, nadadamay ito sa imahe ng U.S. na gumagamit din ng agresyon laban sa mas maliit na bansa gaya ng Venezuela.

Nanawagan siya sa Kongreso na magsagawa ng mataas na antas ng konsultasyon sa mga ahensyang may kaugnayan sa pambansang seguridad upang bumuo ng komprehensibo at estratehikong tugon sa epekto ng agresyon ng mga superpower sa sitwasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea.