CENTRAL MINDANAO-Patay on the spot ang magkapatid sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga biktima na sina Haizon Lauban Wahab,35 anyos,may asawa at ang kanyang kapatid na nurse na si Bai Puti Pepcy Lauban Wahab, mga residente ng Barangay Dalican Datu Odin Sinsuat Maguindanao.
Ayon kay Pikit Chief of Police,Captain Mautin Pangandigan na pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola ang mga biktima sa Sitio Pogpog Barangay Inug-ug Pikit North Cotabato.
Agad namang tumakas ang mga suspek tangay ang motorsiklo, cellphone at malaking halagang pera ng Frontliner nurse patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pikit.
Agad binawian ng buhay ang magkapatid na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kanilang ulo.
Sinabi ng mga kamag-anak ng magkapatid na bibili lang umano ng motorsiklo ang mga biktima dahil mura lang daw at naka-transaksyon nila sa online sa pamamagitan ng social media.
Ang babaeng biktima ay nurse ng Datu Blah Sinsuat District Hospital sa North Upi Maguindanao habang ang kanyang kapatid ay miyembro rin ng isang radio groups na kapwa frontliner kontra Covid 19.
Ang mga biktima umano ay naghihintay sa isang online reseller sa bibilhin nilang motorsiklo nang lapitan ng mga hindi kilalang suspek, hinold-up at pinatay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Pikit Cotabato sa pamamaril patay sa magkapatid na frontliners.